Isang dekada na pala tayo.
Sampung taon na pala ang lumipas simula ng inumpisahan natin itong lakbay na 'to.
Ang tagal na pala.
Ang dami na rin pala nating pinagdaanan- tawa, tuwa, luha, pagod, pumasa, bumagsak, kinasal, nabuntis, nanganak.
Ang tagal na pala natin. Ang galing no?
Parang kailan lang nag-iinuman lang tayo. Ngayon, puro dede na lang ng bata ang pinapa-inum natin.
Parang kailan lang pinaplano lang natin ang magiging buhay natin- pangalan ng anak, kasal, bahay. Ngayon, meron na tayong anak ( makulit slight ), kasal na tayo at wala pa rin tayong bahay.
Naalala mo pa ba noong una tayo nagumpisa mag-usap? Noong una natin nalaman, dahan dahan, sa bawat lagok ng alak na iniinom natin na tayo pala ay mag kasing utak?
Naalala mo pa ba kung gaano tayo kasaya nung namalayan natin, sa pag-uusap natin, na tayo pala? Tayo na pala.
Naalala ko noon, tuwang-tuwa tayo dahil naging tayo ng halos wala tayong kinalaman- yung natural at parang nanonood lang tayo. Sabi natin, pinagtagpo lang siguro Niya tayo.
Ang dami na nating pinagdaanan. Biruin mo, sabay na natin nararamdaman na dahan-dahan sumasakit ang mga kasu-kasuan natin.
Tumatanda na tayo ng sabay.
Tumatanda na tayo. Syet.
Ang dami na nating naranasan, at andito na tayo ngayon, madami pang dadanasin- hirap, saya, tawa, tuwa.
Isang dekada na pala tayo Len.
At pag umalis na siya sa poder natin, samahan mo pa rin ako. Pag-awayan natin kung sino ang nakalimot magkandado ng pinto, kung sino ang nag-iwan na bukas ang Gasul®, o 'di kaya, kung saan nailagay ang pustiso. Tapos, pagtawanan natin ang mga pinagsimulan ng mga away natin.
Samahan mo ako panoorin ang indak ng tadhana hanggang sa huling hibla ng oras natin dito.
Samahan mo 'ko- tumanda, tumawa, umiyak, mangarap, sumuko, lumaban, magtagumpay.
Samahan mo ako Len, habang inaalala natin yung buhay natin dati, noong isang dekada pa lang tayo.
Tara na. May ilang dekada pa.

No comments:
Post a Comment